VIGAN CITY – Aabot umano sa 300 na Pilipino sa Australia ang nag-evacuate samantalang 5 ang nawalan ng tahanan dahil sa nagpapatuloy na bushfire sa New South Wales, Australia.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Aian Caringal, consul general ng Philippine embassy sa Canberra na aabot sa 300,000 Pilipino ang nasa Australia kung saan 75,000 dito ang nagtatrabaho at nag-aaral at ang natitira ay mga permanent migrants na.

Tiniyak ni Caringal na mayroon nang mga contingency plan ang gobiyerno ng Australia kapag mayroong mga sakunang nangyayari kagaya na lamang ng bushfire.

Aniya, consistent umano ang monitoring na isinasagawa nila sa mga otoridad at Filipino communities sa Australia at pinaalalahanan na nila ang mga Pinoy sa nasabing bansa na i-monitor ang kanilang lugar at protektahan ang kanilang sarili mula sa init ng panahon dahil sa bushfire at sa usok.

Idinagdag nito na nakahanda umano ang embahada ng Pilipinas para sa posibleng repatriation ng mga Pinoy workers na gusto nang umalis sa Australia dahil sa bushfire.