-- Advertisements --

Masyadong maiksi ang tatlong linggo na extension ng Comelec para sa voters registration, ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman.

Kung ang Section 8 ng Republic Act No. 8189 o Voters’ Registration Act kasi ang pagbabasehan, sinabi ni Lagman na hanggang January 8, 2022 pa maaring tumanggap ang poll body ng mga magpaparehistro para makaboto sa halalan sa susunod na taon.

Nakasaaad aniya sa naturang batas na ipinagbabawal lamang ang voters registration 120 days bago ang regular election at 90 days naman bago ang special election.

Ipinapaalala ni Lagman sa Comelec na ang batas na ito ay pinagtibay ng Korte Suprema noong December 2009, nang ipinag-utos sa korte suprema ang reopening ng voters registation para sa May 2010 polls.

Ganito rin ang nangyari sa desisyon ng Korte Suprema sa Kabataan party-list vs Comelec case noong December 2015.

Kung hindi papalawigin ng Comelec hanggang Enero 2022 ang voters registration para sa halalan sa susunod na taon, sinabi ni Lagman na 10 linggo ang mawawala para sa prosesong ito, na magreresulta sa disenfranchisement ng 10 million voters.

Kamakailan lang inaprubahan ng Comelec ang extension ng voters registration mula Oktubre 11 hanggang 30 ng taong kasalukuyan.