Isinailalim na sa restrictive custody ang tatlong magkakapatid na pulis na nanugod ng sibilyan at nag viral sa social media.

Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PDir. Camilo Cascolan kay Caloocan Police chief PSSupt. Restituto Arcangel na i-relieve sa puwesto at isailalim kaagad sa restrictive custody sina PO3 Ralph Soriano, PO1 Rendel Soriano at PO1 Reniel Soriano.

Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang naturang magkakapatid na pulis.

Sinampahan din ng paglabag sa gun ban ang mga ito.

Ayon kay NCRPO spokesperson PSupt. Vimelee Madrid, isa sa prayoridad ni Cascolan ay ang moral and welfare ng mga pulis.

Subalit sinuman daw ang lalabag rito ay tiyak na mananagot sa nagpapatuloy pa rin na internal cleansing ng NCRPO laban sa kanilang hanay.