-- Advertisements --
PMA CADET
Cadet 4th Class Darwin Dormitorio

Nananatili sa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tatlong akusadong Philippine Military Academy (PMA) cadets na sinilbihan ng warrant of arrest ng Baguio Regional Trial Court (RTC) dahil sa pagpatay kay 4CL Darwin Dormitorio.

Pero ayon kay AFP spokesperson M/Gen. Edgard Arevalo, kahit nasa kustodiya ng militar ang mga akusado, nakahanda silang iharap sa korte o sa General Court Martial ang tatlong kadete anumang oras kung kakailanganin.

Nabatid na nakakulong na sa AFP Stockade sa Camp Aguinaldo sina PMA 3rd class Cadets Shalimar Imperial, Felix Lumbag at PMA Cadet Julius Tadena.

Nitong Biyernes, natanggap na ng AFP ang warrant of arrest at isinilbi mismo ng Commanding Officer ng Military Police Battalion at ang designated Custodial Officer of the AFP Custodial and Detention Center na si Army Major Evangeline.

Ayon kay Arevalo, Biyernes din ginawa ang return of warrant at kalakip dito ang certification na ang mga akusado ay nakaditini na sa AFP Stockade sa Camp Aguinaldo simula noong January 17, 2020.

Ang mga akusadog kadete at tatlong iba pa ay nahaharap sa kasong kriminal dahil sa paglabag sa Article of War 97.

Samantala, ang tatlong military doctors ng PMA Station Hospital na pinaaresto rin ng korte matapos kasuhan ng pagpatay ay nakapag pyansa na ang isa na si Maj. Maria Ofelia Beloy habang ipino-proseso na ang pag piyansa nina Capt. Flor Apple Apostol at Lt. Col. Ceasar Candelaria.