Reading Time: 1 minute

Itinuturing na sa ngayon bilang suspects sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio dahil sa hazing ang tatlong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na nauna nang kinonsidera bilang person of interest.

Hindi pa kinikilala ng pulisya ang naturang mga suspects perso sinabi na dalawa sa mga ito ay 3rd Class cadets habang ang isa naman ay 1st Class cadet.

Kasalukuyang nasa stockade ang dalawang 3rd Class cadets habang ang 1st Class cadet naman ay nasa holding center.

Ang iba pang kadete naman ay isinailalim sa restrictive confinement habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Magugunita na basta lamang natagpuan si Dormitorio na walang malay kaya isinugod sa ospital noong Miyerkules subalit idineklara na itong dead on arrival.

Sa kasalukuyan, inihahanda na ng Baguio City Police Office ang mga kasong isasampa laban sa tatlong suspects.

Ayon lay Baguio City Police Office director Police Colonel Allen Rae Co, nag-match ang resulta ng autopsy sa mga testimonya ng ilang kadete.

Natukoy din sa imbestigasyon na makailang beses na isinugod si Dormitorio sa ospital batay na rin sa records ng PMA Station Hospital.

Ang pinaka-una ay noong Agosto 20 hanggang 27, tapos noong Setyembre 6, at noong Setyembre 17.

Sinabi ng pulisya na mayroong mga sugat sa katawan si Dormitorio nang isinugod ito sa ospital noong Agosto.

Tinitingnan na rin sa ngayon ng Philippine National Police ang posibleng criminal liability ng doktor at iba pang staff ng PMA Station Hospital.

Samantala, para naman sa PMA, sinabi nitong susunod sila sa legal instructions ng PNP.