NAGA CITY- Patay ang tatlong persona matapos ang nangyaring head on collision ng isang motorsiklo at jeep sa Iriga City.

Kinilala ang mga biktima na sina Lorena Alfelor, 40-anyos, residente ng Baao, Camarines Sur; Margie Musa, 38-anyos; at Lauren Alfelor, 21-anyos residente naman ng nasabing lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.Col. Alejandro Monge, hepe ng Iriga City Police Station (CPS), sinabi nito na habang papasok sa Brgy. San Pedro, Iriga City ang mga biktima sakay ng motorsiklo na minamaneho ni Lauren, dito na nito nakabanggaan ang isang jeep na palabas naman sa barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital ngunit idineklara rin ang mga ito na Dead On Arrival ng mga doktor.

Samantala, agad naman na pinaharurot ng driver ng jeep ang kaniyang sasakyan hanggang sa tuluyang makatakas. Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad lalo na ang paghahanap sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.