(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang dalawang barangay health workers (BHW) matapos inararo ng isang lasing na truck driver ang mismong Community Quarantine Control Point sa kahabaan ng Sayre Highway, Camp-1, Maramag, Bukidnon, dakong alas-11:50 kagabi.

Iniulat sa Bombo Radyo ni Lt. Col Casan Ali ng PNP Bukidnon na nagtangka pang tumakas ang driver ng truck na nakilalang si Jemuel Ompoc.

Paliwanag ng suspek, hindi daw niya nakitang may tao sa checkpoint kung kaya’t kumaripas ito ng takbo.

Dead on the spot sina Jomalyn Buhayon, 34, at Margie Maribao, kapwa mga BHW ng Camp-1 habang namatay naman sa ospital si Brgy. Kagawad Aldren Gaitera.

Nasa malubha namang kalagayan ang isa pang health worker na nakilalang si Beth Lumanca.

Samantala, bagsak sa kulungan ang suspek at nahaharap ito sa patung-patong na kaso dahil kasama sa kanyang sinagasaan ang dalawang motorisiklo at isang mini van sa nasabing lugar.

Sa ngayon mas hinigpitan pa ng PNP ang inilagay na checkpoint sa Bukidnon dahil isinailalim na ito sa lockdown dahil sa epekto ng COVID-19.