Nakapagtala ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng tatlong nasawi habang dalawang katao naman ang napaulat na nawawala dahil sa bagyong Paeng sa lalawigan.
Ayon kay Batangas PDRRMO chief Lito Castro, kabilang dito ang isang bata na nasawi matapos na mabagsakan ng puno sa bayan ng San Juan na lubhang sinalanta ng bagyo habang ang dalawang iba pa na nasawi sa Talisay ay namatay dahil sa landslide dala ng mga pag-ulan.
Napaulat din na may dalawang katao ang nawawala sa may Lobo, Batangas.
Ayon pa sa local official na nasa 2,793 pamilya o 10,956 individuals ang nasa evacuation areas ngayon sa lalawigan.
May mahigit 600 pamilya o halos 3,000 indibidwal naman ang pansamantala munang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak dahil sa pananalasa ng bagyo.
Sinimulan naman na ng provincial government ang pamamahagi ng relief goods sa Lian, Nasugbu, San Juan, at Batangas City.
Namahagi na rin ang batangas PDRRMO ng relief goods at nagbigay ng evacuation at transportation assistance para sa mga na-stranded na mga pasahero.
Sa sektor naman ng agrikultura sa lalawigan, pumalo na sa P12 million ang halaga ng inisyal na pinsala sa pananalasa ng bagyo.
Sa ngayon ayon sa PDRRMO official, unti-unti ng humuhupa ang tubig-baha at naibabalik na sa normal at naisasaayos na partikular na ang mga daanan na nagharangan ng mga natumbang mga puno