ILOILO CITY – Nakitaan ng sintomas ng COVID-19 ang tatlo sa 47 na pasahero ng barkong galing sa Cebu na dumaong sa Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Roland Jay Fortuna, focal person for Coronavirus Disease 2019 ng Iloilo City Health Office, sinabi nito na 47 na pasahero ng barkong Cockaliong, 24 rito ay pawang mga residente ng lungsod.
Ayon kay Fortuna, matapos na isinailalim sa rapid test, nagpositibo sa antibodies na IGG at IGM ang isang pasahero.
Bukod dito, dalawang pasahero ang nagpositibo naman sa IGG.
Kailangan pang dumaan sa confirmatory tests ang mga samples na nakuha sa tatlo.
Ani Fortuna, maliban sa mga pasahero sasailalim rin sa rapid test at isolation sa Iloilo Diamond Jubilee Hall ang mga crew ng barko.
Agad namang i-didisinfect ang barko upang makasiguro na malinis ito.