CENTRAL MINDANAO- Nasawi ang tatlong katao sa anti-drug operation sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Tato Dilangalen , Alano Sepi Usop at Bigboy Sepi Usop, mga residente ng Purok 2 Brgy Sinakulay President Quirino Sultan Kudarat.

Ayon sa ulat ng Sultan Kudarat Police Provincial Office na ni-raid ng pulisya katuwang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) base sa search warrant na inisyo ni Judge Milanio Guerrero ng RTC 12 Judicial Region Branch 20 ng Tacurong city.

Pinasok ng mga otoridad ang bahay ng mga suspek ngunit nanlaban umano ito at nasawi.

Narekober ng mga otoridad sa posisyon ng mga suspek ang isang .9mm homemade pistol ,isang granada at ilang pakete ng shabu.

Iginiit naman ng pamilya ng mga nasawi na hindi ito nanlaban at pinagbabaril umano na walang kalaban-laban ng raiding team.

Mariin naman itong pinabulaanan ng mga otoridad kung saan unang nagpaputok ang tatlo at gumanti lamang sila sa mga suspek.