-- Advertisements --

Inirekominda ni Albay Rep. Edcel Lagman na unang ibenta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang military golf courses para makakuha ng karagdagang pondo para sa COVID-19 stimulus package ng pamahalaan.

Pahayag ito ni Lagman matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinukonsidera niyang ibenta ang ilang assets ng pamahalaan bilang pandagdag sa pondong gagamitin sa mga hakbang sa gitna ng kinakaharap na krisis bunsod ng COVID-19.

Sa kanyang proposal na P1-trillion economic stimulus, sinabi ni Lagman na maaring kuhanin ang pondong ilalaan dito mula sa pagbenta ng mga pagmamay-ari ng pamahalaan tulad na lamang ng golf courses sa Camp General Emilio Aguinaldo, Villamore Air Base at Veterans Memorial Medical Center.

Ang tatlong golf courses na ito, ayon kay Lagman, ay may lawak na humigit kumulang 150 ektarya na inaasahang nagkakahalaga ng mahigit P150 billion.

Madaling ibenta aniya ang mga lupain na ito gayong malapit ang mga ito sa high-way, sa mga high-scale subdivisions, business districts, at casinos.

Magugunita na noong 1992, sinabi ni Lagman, na 240 ektarya ng Fort Bonifacio ang na-rpivatized, kabilang na ang 18-hole championship golf course, na maaring gawin din aniya sa kanyang rekomendasyon.

Pinapahintulutan aniya ang ganitong hakbang sa ilalim ng Republic Act No/ 7227 na nagbibigay ng mandato sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na i-convert ang ilang bahagi ng mga military bases para magamit ng mga sibilyan.