CAUAYAN CITY- Patuloy na nagpapagaling sa pagamutan ang tatlong lalaki matapos masangkot ang mga sinasakyang motorsiklo sa aksidente sa national highway na bahagi ng Brgy. San Juan, Ilagan City.

Kinilala ang tsuper ng Honda TMX 125 na si Jonathan Lasam, 22 anyos, binata, security guard at residente ng Brgy. Lapogan ,Tumauini Isabela.

Habang kinilala naman ang isa pang tsuper ng sangkot na motorsiklo na si Dario Galeon, 22 anyos, at residente ng Hucab, Kiangan Ifugao.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa City of Ilagan Police Station, binabagtas ng motorsiklong minamaneho ni Lasam ang kahabaan ng national highway patungong timog na direksyon habang nasa kasalungat na direksyon ang motorsiklong minamaneho naman ni Galeon.

Bigla umanong umagaw ng linya si Lasam sanhi para magsalpukan ang dalawang motorsiklo.

Dahil sa lakas ng banggaan ay parehong tumilapon sa sementadong daan ang dalawang tsuper kasama ang backrider na si Mark Jay Lasam, 21 anyos, security guard at residente ng Brgy. Lapogan Tumauini Isabela.

Dinala ng mga tumugon na kasapi ng rescue team ang mga biktima sa pagamutan upang malapatan ng lunas ang mga tinamong injuries sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.