Nasa 3,000 pulis ang ipapakalat ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa May 1, Labor Day, para tiyakin na maging maayos at mapayapa ang mga gagawing kilos protesta.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde, inaasahan na nila na may magsasagawa ng kilos protesta pero hindi nila batid ang bilang ng mga magsasagawa ng rally.

Pinaalalahanan naman ni Albayalde ang mga magsasagawa ng kilos protesta sa Miyerkules na mag-ingat sa mga “infiltrators.”

Ito’y matapos makakuha ng intelligence report ang Armed Forces of the Philippines na may mga New People’s Army (NPA) na magtatangkang makihalo sa mga raliyista para magsimula ng kaguluhan.

Ayon sa PNP chief, gawain ng NPA na samantalahin ang sitwasyon para lumikha ng kaguluhan na isisisi sa pamahalaan.

Inihalimbawa ni Albayalde ang nangyari sa mga kilos protesta ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita Massacre noong 2004, at sa Kidapawan Massacre noong 2016, kung saan mga kalaban ng pamahalaan ang nanguna sa kaguluhan na naging madugo ang resulta.

Babala ni Albayalde, hindi lahat ng mga kasama sa Labor Day rallies ay mga “cause oriented groups” dahil ang iba ay may sariling agenda.