(Update) VIGAN CITY – Pinaniniwalaang miyembro ng gun for hire ang tatlong lalaking namatay sa engkuwentro ng pulisya sa Bangued, Abra nitong madaling araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni police Col. Alfredo Dangani, director ng Abra Police Provincial Office, parehong nadawit sa na-dismiss na kaso noon ang tatlong nasawi na sina Michael Gonzales, 40; Ariel Vasquez Isao, 29; at Glenford Soria Agaid, 30.

May intelligence report din umanong nagsabi na na miyembro ang mga nasawi ng isang private armed group.

Batay sa ulat, tinakasan ng tatlo ang checkpoint ng pulisya sa bahagi ng Brgy. Angad makaraang mabatid ng mga otoridad ang planong pananambang sa bayan.

Hindi raw inasahan ng mga opisyal sa checkpoint na tricycle lang ang gagamiting pantakas ng mga salarin kaya agad din nila itong hinabol.

Nakuha mula sa tatlo ang dalawang calibre .45 na baril at caliber .9-mm, gayundin ang pitong pakete ng pinaniniwalaang shabu.

Sa ngayon dadaan daw muna sa ballistic examination ang mga baril na nakuha mula sa mga suspek para matukoy kung nagamit na ang mga ito sa mga naunang shooting incident sa lalawigan.