BAGUIO CITY – Binabantayan na ngayon ng mga health authorities ang tatlong estudyante na nagmula ng China matapos magpakonsulta ang mga ito sa isang pagamutan sa lungsod ng Baguio.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Health Services Office chief Dr. Rowena Galpo, sinabi niya na hindi totoo ang kumakalat na balita na may tatlong estudyante mula China na na-confine sa isang pagamutan sa Baguio dahil sa coronavirus.

Aniya, nagpakonsulta lamang ang mga nasabing estudyante ngunit hindi nakitaan ang mga ito ng anumang sintomas ng coronavirus.

Nagpakonsulta lamang aniya ang mga ito dahil nakaramdam sila ng kahirapan sa paghinga.

Nilinaw ng doktor na hindi nakitaan ng sintomas ng coronavirus infection ang tatlong estudyante.

Aniya, nabigyan naman ng proper treatment ang mga ito bago sila napauwi.

Gayunman, babantayan ng mga ito ang tatlong dayuhan sa loob ng 21-araw para mamonitor kung may development o may makitang sintomas ng infection ng coronavirus sa mga ito para sa agaran at kaukulang aksiyon.

Kasabay nito, iginiit ni Dr. Galpo na walang dahilan para maalarma, mabahala at mag-panic ang publiko dahil sa nasabing insidente lalo pa at una ng sinabi ng Department of Health na wala pang kumpirmadong kaso ng 2019 Novel Coronavirus dito sa Pilipinas.