CENTRAL MINDANAO-Tatlong drug suspect ang nahuli sa drug buybust operation ng mga otoridad sa Cotabato City.

Nakilala ang mga suspek na sina Raihana Mamalangkay Macalimpas, Dacel Fortich Duloan, at Malvina Mokamad Duloan na pawang mga residente ng barangay Rosary Heights 8 Cotabato City.

Sa ulat ng Cotabato City Police Office na nagsagawa ng buybust operation ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency kasama ang pulisya sa tapat ng Barter trade, Governor Gutierrez Avenue, Brgy. Rosary Heights 7 sa lungsod ng Cotabato.

Nang i-abot na ng mga suspek ang shabu sa asset ng PDEA-BARMM doon na sila hinuli.

Sinabi ni PDEA-BARMM Regional Director Juvenal Azurin, na narekober sa mga suspek ang 250 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng 1.3 milyon pesos base sa drug market value.

Sa ngayon ay nakapiit na ang mga suspek sa lock-up cell ng PDEA-BARMM at sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.