Reading Time: 1 minute

Tatlong reconnaissance ship ng Chinese Navy ang muling namonitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP)-Western Mindanao Command (WesMinCom) sa karagatan ng Tawi-Tawi.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay WesMinCom Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, noong Hulyo ay dalawang recon ship ng Chinese Navy ang namonitor sa may bahagi ng Sibutu Strait sa Tawi-Tawi.

Dahil dito, umalma si Defense Secretary Delfin Lorenzana dahil dapat daw ay nagpapaalam ang mga ito sa tuwing dadaaan sila sa teritoryo ng bansa.

Pero naulit na naman ang insidente ngayong buwan sa area kaya nagsumite na sila ng kanilang report sa AFP leadership ukol dito.

Ang liderato ng AFP naman ang siyang magpapasa ng report sa Department of National Defense (DND).

Pagbubunyag pa ni Sobejana, bukod sa armado ang reconnaissance ship ng Chinese Navy, may karagadagang kakayahan ito para imonitor kung ano ang mga aktibidad na nagaganap sa loob ng maritime domain.

Ipinauubaya na rin ng WesMinCom sa DND at Department of Foreign Affairs ang nasabing asunto dahil isa itong diplomatic issue.