LEGAZPI CITY — Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang isang tatlong taong gulang na bata matapos magtamo ng sugat sa pananaksak ng kaanak nito sa Mobo, Masbate.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Capt. Rolando Guzaman, hepe ng Mobo Municipal Police, pinasok aniya ng suspek na si Magdaleno Bustamante ang kuwarto ng mag-inang sina Rovelyn Uy, 28-anyos at biktimang si Christ Jerome Uy, dala ang isang patalim at pinagbantaan na papatayin ang mga ito.

Kaugnay nito, agad na rumesponde sa lugar ang Mobo-Philippine National Police, gayundin ang Special Weapons and Tactics, at 1st Provincial Mobile Force Company.

Ilang oras pang nakipagnegosasyon ang mga otoridad sa suspek subalit bigla na lamang nitong sinaksak ang biktima, rason upang barilin ito ng kapulisan na agad namang binawian ng buhay.

Naitakbo pa sa pagamutan ang paslit subalit binawian din ito ng buhay.

Nabatid na nakituloy lamang sa tahanan ng mag-ina ang salarin nang umuwi ito mula sa Maynila.

Samantala, patuloy na inaalam ng pulisya kung nasa ilalim ng impluwensya ng iligal na droga ang suspek dahil sa kakaiba umanong ikinikilos nito bago mangyari ang insidente.