anti polio vaccine

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na isa pang polio case ang naitala sa bansa.

Isa umanong limang taong gulang na bata mula sa Laguna ang biktima matapos magpositibo sa polio virus ang ipinadalang samples sa Japan National Institute for Infectious Diseases.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ito na ang ikalawang human case ng polio ngayong taon.

Ang unang kaso ay naitala sa Lanao del Sur at ang biktima ay isang tatlong taong gulang na babae.

Ang pangalawang biktima ay nakaranas ng multiple pediatric diseases at onset ng paralysis noong August 25, 2019.

Sa ngayon ay nakalabas na ng ospital ang bata at nakakalakad na rin.

Pero patuloy pa rin daw ang pag-monitor sa bata para sa residual symptoms.

“We continue to urge parents and caregivers of children below five years old, health workers, and local chief executives to take part in the synchronized polio vaccination to be scheduled in their communities. We are also reiterating our advisory to the public to practice good personal hygiene, wash their hands regularly, to use toilets, drink safe water, and to cook food thoroughly,” wika ni Duque.