IMG 20190603 013521

CAUAYAN CITY – Dalawampu’t walo ang sugatan, anim ang nagtamo ng malalang sugat matapos bumaliktad ang isang elf truck na nawalan ng preno sa Sitio Buduan, San Pablo, Cauayan City.

Kinilala ang mga malubhang nasugatan na sina Tina Joy Tejada, 14; Joy Masi, 35, guro; Aquilina Pelerio, 80; Norberto Callangan, 58; Wilma Callangan, 60, at Ella Soriano;

Ang 22 iba pang sakay ng truck na nagtamo ng minor injuries ay pawang residente ng Barangay Linglingay sa nasabi ring siyudad.

Ang driver ng Isuzu elf truck ay natukoy namang si German Tagata, 28, habang ang may-ari ng sasakyan ay si Esmenia Agbayani, 57, negosyante.

Lumabas sa imbestigasyon ng Cauayan Police Station na paakyat ang truck sa pakurbadang daan patungong Barangay Linglinggay nang mawalan umano ito ng preno.

Nawalan ng kontrol sa manibela si Fragata at dahil overloaded ang truck ay umatras pababa sa daan hanggang ito ay bumaliktad na nagbunga ng pagkasugat ng mga sakay nito.

Ang mga biktima ay dinala sa iba’t ibang ospital sa Cauayan City.