-- Advertisements --

Kinumpirma ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na umaabot na sa 24 ang mga tauhan nila ang nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Monreal, siyam daw sa mga dinapuan ang naka-recover na, pito ang nakabalik sa trabaho at ang dalawa ay naghihintaypa ng medical certificate para makabalik na rin sa kanilang trabaho.

Ang 15 kawani naman daw na pinakahuling nagpositibo sa virus ay sumasailalim pa sa ikalawang swab test.

Karamihan sa mga kawani ni MIAA na nagpositibo sa COVID-19 ay mula sa airport police department, security and emergency services, intellegince and investigation division / intelligence assestment management division at iba pa.

Nilinaw naman ni Monreal na wala pa sa isang porsiyento ang naturang bilang mula sa kabuuang mahigit 4,000 na kawani ng MIAA.

Dahil dito, pinawi ni Monreal ang pangambang maaapektuhan ang operasyon ng naturang paliparan.

Wala rin umanong dapat ipangamba sa paliparan dahil mahigpit nilang sinusunod ang mga ipinatutupad na health protocols.