Nakauwi na sa Pilipinas ang 24 na Pilipinong manggagawa na halos siyam na buwan na na-detain sa Russia, matapos ang direktang pakikipag-usap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Russian President Vladimir Putin.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), unang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang anim na Pilipino bandang alas-12 ng hatinggabi, habang sumunod naman ang 18 pa bandang alas-3:50 ng madaling araw.
Sinalubong sila ng mga opisyal ng DFA sa pangunguna ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro.
Nabatid na ang mga naturang Pilipino ay na-detain sa Russia dahil sa umano’y immigration issues at sinasabing nabiktima sila ng illegal recruitment.
Ayon sa DFA, personal na hiniling ni Pangulong Marcos, ang kanilang kaso kay Putin sa isang bilateral meeting sa Kazan noong June 17, kung saan ipinahayag ng Pangulo ang matinding pag-aalala sa kalagayan ng mga Pilipino.
Una umanong sinabi ni Putin na hindi siya agad aware sa sitwasyon, ngunit kalaunan ay ipinaalam na natunton na ng mga awtoridad ang mga Pilipino at napatunayang wala silang kinakaharap na kaso.
Dahil dito, agad na inaksyunan ng Russian authorities ang kanilang pagpapalaya noong June 19, na nagwakas sa siyam na buwang pagkakakulong.
Nagpasalamat naman ang pamahalaan ng Pilipinas sa gobyerno ng Russia sa mabilis na pag-aksyon, habang tiniyak ng DFA, Department of Migrant Workers, at OWWA ang tulong para sa kanilang maayos na pag-uwi at reintegration.
















