Reading Time: 1 minute
Gold 3000m Steeple Chase Secondary Region 3 Palaro

(Update) DAVAO CITY – Gumawa ng kasaysayan ang atleta mula Gitnang Luzon makaraan nitong burahin ang 21-taong record sa nilahukan nitong 3,000-meter steeplechase sa Palarong Pambansa 2019.

Naghari sa nasabing event ang Grade 10 student na si Jerry Vasquez na nagmula sa lalawigan ng Tarlac, matapos nitong ilista ang 9:35, mabilis kumpara sa 9:41 na record mula noon pang 1998.

Ayon kay Vasquez, hindi niya raw maipaliwanag ang kanyang saya lalo pa’t noong nakaaraang Palaro ay nakakuha lamang ito ng silver medal sa kaparehong event.

Maliban sa Diyos, ispirasyon naman ng atleta ang kanyang mga magulang kung saan ang kanyang ama ay isang magsasaka at housewife naman ang kanyang ina na kapwa tubong Bicol.

Tumutulong din aniya ito sa kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagsali sa mga kompetisyon at ang kanyang nakukuhang premyo ay ibinibigay niya sa kanyang pamilya.

Inamin din ni Vasquez na limang mga malalaking eskwelahan sa Metro Manila ang kumukuha sa kanya, ngunit sa ngayon ay wala pa raw siyang napipili.