-- Advertisements --

Isinusulong ngayon sa Kamara na madagdagan ang pondo na ilalaan sa Department of Trade and Industry (DTI) at mga attached agencies nito para sa fiscal year 2022.

Sa House Resolution No. 2228 na inihain nina Representatives Wes Gatchalian, Stella Quimbo, John Rey Tiangco, at David Suarez, nakasaad na magbebenepisyo ang mga micro, small, at medium enterprises na bumubuo sa 99.51 percent ng negosyo sa bansa at nasa likod nang trabaho ng nasa 5.38 million Pilipino.

Sinabi ng naturang mga kongresista na lubhang apektado ang mga MSMEs sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic at sa kabila ng tulong ng pamahalaan ay 10 percent sa kanila ang napilitang magsara ng tuluyan dahil sa wala na silang kinikita.

Sa proposed budget para sa DTI na nakapaloob sa National Expenditure Program, kakaunting bilang lamang ng MSMEs ang mabibigyan ng tulong.

Nabatid na ang proposed budget ng DTI para sa susunod na taon ay P23.71 billion, kabilang na rito ang P13.642 billion para sa TESDA, isa sa mga attached agencies nito.

-- Advertisement --

Sa kanilang resolusyon, sinabi ng mga kongresista na dapat madgdagan ng P1.623 billion ang pondo ng DTI para mas maraming MSMEs ang matulungan.