Pag-iisipan umano ni Organizing committee Director General Toshiro Muto ang pansamantalang pagkansela sa 2020 Tokyo Olympics torch relay na nakatakdang gawin sa Marso.

Nagbunsod ang desisyon na ito matapos manawagan ng Japanese government na kung maaari lamang ay kanselahain ang malalaking gatherings, tulad ng sporting at cultural events o di kaya naman ay ilipat ng ibang petsa.

Ayon kay Muto, iniisip din daw nilang magpatupad ng bagong patakaran para kahit papaano ay maisagawa pa rin ang relay.

Nakatakdang dalhin ang Olympic flame sa Japan sa Marso 20 matapos itong sindihan sa Olympia, Greece. Sa Marso 26 naman sisimulang iikot ang naturang torch sa Fukushima Prefecture.

Sinabi pa ni Muto na pagdedesisyunan din ng komite kung hindi muna itutuloy ang mga nakatakdang events pagkatapos nilang aralin kung gaano kalaki ang magiging epekto ng coronavirus outbreak sa mga sporting events.

Dagdag pa nito na bumubuo na rin sila ng iba’t ibang guidelines na ipatutupad kung sakali man na ituloy ang 2020 Tokyo Olympics.