LA UNION – Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 20 pasahero kabilang ang driver sa banggaan ng dump truck at pampasaherong bus sa kahabaan ng national highway na bahagi ng Barangay Cabaritan Norte sa Naguilian, La Union.

Nakilala ang bus driver na si Billy Jone Cachin, 27-anyos, may asawa, residente ng Barangay Monglo, Sablan, Benguet; habang ang dump truck driver ay si Peter Bahod, 45, binata, taga-Shilan, La Trinidad, Benguet.

Base sa report ng Naguilian Police, tinatahak ng bus ang kalsada na patungo sa kanlurang direksyon nang bigla umanong mag-overtake ang isang tricycle na sanhi upang mabangga nito ang dump truck na galing naman sa opposite direction.

Dahil dito, kapwa isinugod sa iba’t ibang pagamutan ang mga biktima.

Ayon naman kay P/Major Reynaldo Soria, hepe ng Naguilian Police, patungo ng Baguio City ang bus habang galing naman sa Baguio at patungo sana sa bayan ng Bauang ang dump truck.

Kasong mutliple physical injuries through reckless imprudence ang posibleng kakaharapin ng driver ng bus dahil sinasabing mabilis na pagmamaneho.

Kung maalala, isang bus din ang nasangkot sa aksidente sa parehong bayan noong nakaraan taon.