CAGAYAN DE ORO CITY – Duguan at nagtamo ng maraming pasa sa katawan ang suspek bunsod ng umano’y panggagahasa nito sa isang dalawang taong gulang na bata nang mahuli ito ng mga pulis sa bahagi ng Purok 1, Barangay Tambacan, Iligan City.

Kinuyog kasi ng mga residente ang suspek na si Ibrahim Bulo Adiong, 27, taga-Barangay Tomas Cabili, Iligan City dahil sa ginawa niyang krimen.

Ayon kay Iligan City Police Station-4 commander PLt. Rodney Gere, naaktuhan mismo ng ama ng biktima ang suspek na nakapatong sa bata habang natutulog sa loob ng kanilang kuwarto.

iligan rape suspect

Sa laking gulat ng ama, napasigaw ito at nagwala kung kaya’t nahuli ng mga kapitbahay ang suspek at pinagbubugbog.

Sa ginawang body search naman ng mga otoridad, nakunan nila ito ng isang sachet ng shabu sa kaniyang bulsa.

Napag-alaman na kaibigan ng ama ng biktima ang suspek na naki-celebrate lang ng New Year sa kanilang bahay.