Nagkaroon na ng kasunduan sa pagitan ng Trump administration at ni Senate Majority Leader Mitch McConnell hinggil sa $2 trillion coronavirus stimulus package na gagamitin para tulungan ang mga maaapektuhan ng coronavirus pandemic.

Matapos ang ilang araw na walang humpay na negosasyon sa pagitan ng mga senador at opisyal ng Trump adminisitration, sa wakas ay nagkaroon na ng kasunduan ang dalawang kampo hinggil sa $2 trillion coronavirus stimulus package na ilalaan para sa mga maaapektuhan ng coronavirus pandemic.

Ang naturang stimulus package ay para i-rescue ang ekonomiya ng Amerika na matindi ring naapektuhan ng krisis. Kasunod na rin ito nang binabalak ni USA President Donald Trump na tuluyang pagtanggal sa mga ipinatupad na restrictions sa Amerika para labanan ang COVID-19.

Masaya itong ibinalita ni White House legislative affairs director Eric Ueland. Aniya, hihintayin na lamang nila na ipadala sa US House of Congress ang kopya ng naturang panukala at inaasahan naman na kaagad itong raratipikahan ni President Trump.

Ayon kay Senate Minority Leader Chuck Schumer, ang naturang panukala ay maituturing na rin bilang unemployment compensation at lahat ng Amerikano ay makaka-sweldo pa rin.

Malaking tulong din umano ito para sa mga kumpanya na pabalikin ang kanilang mga empleyado kapag tuluyan nang natapos ang krisis.

Kung matatandaan, hinarang ng mga Democrats ang naturang panakula dahil masyado raw malaking halaga ang $2 trillion o halos P102 trillion na ipamamahagi sa mga kumpanya dahil kukulangin naman ang ibibigay para sa mga working families.

Una na rin nagpatutsada si Trump sa US Senate na tigilan na ang ginagawa nitong partisan politics at ipasa na lamang stimulus package bill.