CAUAYAN CITY – Agad sasampahan ng mga kaso ang dalawa sa pitong armadong lalaki na humarang at nanunog sa dalawang vote counting machine (VCM) sa Brgy. Sta. Isabel, Jones, Isabela na nasa kustodiya na ng pulisya.

Unang naaresto dakong alas-10:00 nitong Martes ng gabi sa isinagawang operasyon ng mga otoridad sa Diarao, Jones ang suspek na si Rodel Pascual, 34, magsasaka at residente ng Sta. Isabel.

Nito namang alas-9:32 ng umaga ay sumuko ang isa pang suspek na si Jayson Leanio, 27, magsasaka at tubo rin sa nasabing lugar.

Si Leanio ay ipinasakamay sa Jones Police Station nina Barangay Sta. Isabel chairman Alberto Plaida Jr at Barangay Kagawad Randy Resurreccion matapos lumapit at sumuko sa kanila.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Cpt. Fernando Mallillin, hepe ng Jones Police Station na iginiit ni Leanio na wala raw siyang kinalaman sa bintang sa kanyang pagsunog sa VCM.

Ayon kay Mallillin, kakasuhan nila sina Pascual at Leanio ng robbery at serious illegal detention.

Patuloy ang kanilang hot pursuit operation para maaresto ang lima pang suspek.

Samantala, hinggil sa sinunog na pick up sa isang bakanteng lote sa Quezon, San Isidro, Isabela, sinabi ni Mallillin na may side mirror na dinala ang mga witness sa kanilang himpilan na tugma sa natanggal na side mirror ng sinunog na Mazda pick up.

Naniniwala si Mallillin na ang pagsunog sa pick up ay bahagi ng taktika ng mga suspek na iligaw ang imbestigasyon at mawala ang ebidensiya laban sa kanila.

Nakikipag-ugnayan na sila sa PNP Highway Patrol Group (HPG) para malaman kung sino ang may-ari ng sasakyan.