CAGAYAN DE ORO CITY – Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at damage of property ang sundalo na nakabangga sa isang motorista sa may Sayre Highway P-4, South Poblacion, Maramag, Bukidnon.

Kinilala ni Maramag Police Station commander P/Lt. Col. Casan Ali ang suspek na si PFC Whalter Gem Jaralba, nakadestino sa 88th Infantry Battalion, Philippine Army.

Ang namatay na biktima naman ay nagngangalang Nilo Mamon, 47-anyos, may asawa at residente ng P-5A, South Poblacion, Maramag, Bukidnon.

Ayon kay Ali, may pananagutan din ang suspek at backride nito na si PVT Fhielmar M. Felisilda matapos lumabag sa health protocol laban sa Coronavirus 2019 dahil sa paglabag sa “no angkas policy.”

Nangyari ang aksidente nang biglang lumiko ang biktima na si Mamon sakay ng kaniyang motorsiklo, dahilan upang bumangga ito sa dalawang sundalo na sakay din ng motorsiklo.

Dahil sa lakas ng impact, dead on arrival sa ospital ang biktima.