CAUAYAN CITY- Namatay ang dalawang lalaking lulan ng isang kolong-kolong matapos mabangga at makaladkad ng kotse na umagaw ng linya sa brgy. Balintocatoc, Santiago City.

Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Traffic Group, ang tsuper ng Kolong kolong ay si Joe Seradoy, 21 anyos, binata, aircon technicia at residente ng Batal, Santiago City habang ang sakay ay si Lorenzo Panag, 24 anyos, aircon technician, residente ng Malasin, Aurora, Isabela.

Ang tsuper ng itim na kotse ay si Vangel Aggabao 41 anyos, residente ng Balintocatoc Santiago City.

Nakaladkad ng umaabot sa 35 metro ang kolong-kolong mula sa pinangyarihan ng banggaan.

Agad na nasawi si Seradoy habang naisugod sa ospital ang kanyang sakay ngunit binawian din ng buhay.

Ginamot naman sa Southern Isabela Medical Center ang driver at sakay ng kotse na si Monolito Madayag, 46 anyos, residente ng Balintocatoc Santiago City matapos silang magtamo rin ng sugat sa kanilang katawan.