Dalawa mula sa anim na miyembro ng transport group na PISTON, na nakulong kamakailan dahil sa kilos protesta, ang nag-positibo sa COVID-19.

Ito ang kinumpirma ni Caloocan City Rep. Edgar Erice sa kanyang online post, matapos makulong sa detention facility ng lungsod ang mga ito.

Kaya naman nanawagan ang kongresista na mai-test din sa COVID-19 ang nakasama ng mga nag-positibong jeepney driver.

“2 po sa anim na nakulong sa Caloocan Detention Facility ay nag-positive sa COVID-19. Mahalaga na ma-test din ang nakasama nila sa piitan, at ma-disinfect ang nasabing facility,” ani Erice sa kanyang post.

Kung maaalala, inaresto ng pulisya ang tinaguriang PISTON 6 nang igiit na payagang makabalik ng kalsada ang hanay ng jeepney drivers na naapektuhan ng mga nagdaang lockdown.

Sa ngayon wala pang detalye kung sino mula sa anim ang dalawang nag-positibo sa sakit.