Congress
Congress/ FB image

BATANGAS CITY – Makalipas ang mahigit isang linggo matapos na pumutok ang Bulkang Taal, nagtipon-tipon ang mga kongresista sa unang pagkakataon sa kasaysayan sa pamamagitan ng special session sa Batangas City Convention Center para tugunan ang daing ng mga biktima ng naturang kalamidad.

Pinagtibay ng Kamara nitong araw ng Miyerkules ang dalawang resolusyon patungkol sa supplemental budget na ibibigay sa mga lugar na apektado ng Taal eruption.

Nangako ang mababang kapulungan sa ilalim ng House Resolution 662 na gawing agarang at epektibo ang pagbigay ng tulong sa mga bakwit sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Pinabibilisan din nila ang paglalabas ng pondong gagamitin sa supplemental budget sa pamamagitan ng House Resolutin 655.

Naihain na rin sa Kamara ang House Bill 5998 para sa P30-bilyon supplemental budget alinsunod sa naging request ni Pangulong Rodrigo Duterte

-- Advertisement --

Una rito, emosyunal na ibinahagi ng ilang mga biktima ng Taal eruption ang kanilang karanasan at umapela ng tulong sa 204 na kongrsistang dumalo sa special session para sa kanilang muling pagbangon sa oras na kumalma na ulit ang ngayo’y nagtitimping Bulkang Taal.

Nanawagan si Agoncillo Mayor Daniel Reyes na mabigyan sila ng medical at psychological intervention.

Umapela rin si San Nicolas Mayor Lester de Sagun na matulungan din ang mga lokal na pamahalaan na nagbibigay ayuda sa kanila sa kasalukuyan.

Tulong naman sa pabahay ang hinihingi ni kapitana Joceline Bayanay ng Brgy. Alas-as, San Nicolas matapos na “ma-washout” aniya ang kanilang kabahayan.