Ni-relieve na sa puwesto ang dalawang pulis sa Aurora, Zamboanga del Sur, na nakapatay sa isang sundalo na galing sa labanan sa Marawi City at pauwi sana sa kanyang pamilya.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa, kaniyang ipinag-utos ang administrative relief kina PO2 Ronald Zeros at PO1 Michael Bullanday para bigyang daan lamang ang isinasagawag imbestigasyon.

Nilinaw naman ni PNP chief na hindi pa ito parusa sa mga nabanggit na pulis.

Kung maaalala, napatay noong nakaraang Miyerkules si PFC Rodillo Bartolome na naka-assign sa 53rd Infantry Battallion matapos umano nitong tangkain manlaban.

Napag-alaman na tatlong buwan nadestino sa Marawi si Bartolome.

Sa kabilang dako, mariin namang itinanggi ng militar na nakararanas ng combat stress ang napatay na sundalo.

Sa ngayon gumugulong na ang imbestigasyon ukol sa insidente.