ILOILO CITY – Na-relieve na sa puwesto ang dalawang pulis na nadamay sa isang online gambling sa Janiuay, Iloilo.

Ang dalawang opisyal ay kinilalang sina PSSgt. Noli Gallaron at PCpl. Ricky Setiar.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay PCol. Roland Vilela, director ng Iloilo Provincial Police Office, sinabi nito na posible na ma-dismiss ang dalawa dahil sa kasong administratibo na grave misconduct.

Napag-alamang tumakas sina Gallaron at Setiar nang isinagawa ng Iloilo Provincial Special Operations Group at Janiuay Municipal Police Station ang isang operasyon sa isang online gambling sa bayan ng Janiuay Martes noong nakaraang Linggo.

Sinabi naman ni Police Regional Office (PRO)-6 Director PBGen. Rene Pamuspusan na hindi niya kukunsitihin ang mga pasaway na pulis lalo na at may record na na nadamay rin sa isang gambling si Gallaron noong 2019 at sinuspinde sa serbisyo sa loob ng 60 araw.