ILOILO CITY – Kinumpirma ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO)-Special Operations Group na may dalawang pulis at isang sundalo na nakatakas kasunod ng ginawang operasyon ng mga pulis sa Janiuay, Iloilo dahil sa panonood at pagpusta sa live streaming ng isang sabong.

Sa panayam ng Bobo Radyo Iloilo kay Police Major Jonathan Pinuela, pinuno ng Iloilo Police Provincial Office-Special Operations Group, sinabi nito na nalaman nilang mayroong pulis at sundalo sa lugar dahil na rekober nila ang armas na nakalagay sa vault kung saan inilalagay ang mga iniiwang gamit bago pumasok sa pinanonooran ng streaming.

Ayon kay Pinuela, nakuha ang dalawang 9mm at isang caliber 45 sa loob ng vault.

Base sa impormasyon ng Iloilo Police Provincial Office-Special Operations Group ang dalawang pulis at isang sundalo na hindi na pinangalanan ng otoridad ay na assign sa Regional Mobile Force Battalion, ang isang pulis naman ay bago lang ini-assign sa IPPO at hindi pa nakakatapos ng courtesy call habang ang sundalo naman ang na assign sa Maasin, Iloilo.

Nasa 82 katao ang nahuli ng mga pulis at kaagad namang nakapiyansa.

-- Advertisement --

Sa ngayon, iniimbestigahan na ng IPPO ang dalawang pulis.