ZAMBOANGA CITY – Nasawi ang dalawang lalaki matapos magsalpukan ang isang motorsiklo at mini dump truck nitong Biyernes ng gabi sa Barangay Bolong, Zamboanga City.

Sa nakalap na impormasyon ng Star FM Zamboanga, ang naturang mini dump truck, na pagmamay-ari ng kinilalang si Joel Amaro, ay may kargang sako-sakong mangga at patungo sa direksyon ng lungsod ng Pagadian.

Dahil sa walang street light ang kalye sa naturang barangay at wala ring head light ang sinakyang motorsiklo ng mga biktima, nag-overtake umano si Amaro at sinalubong ang motorsiklo na minamaneho naman ni Ronald Delos Reyes, sakay ang angkas na si Jayson Fernandez.

Dahil sa lakas ng impact ng banggaan, namatay sina Delos Reyes at Fernandez.

Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad si Amaro.