LEGAZPI CITY – Patuloy pang inaalam sa ngayon ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa pamamaslang sa isang barangay tanod at isa pang kasaa nito sa Brgy. Danao, Batuan, Masbate.

Kinilala ang mga biktima na sina Rey Canuelas, 43 at Angel Almine, 33 na pawang residente ng naturang barangay.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng Batuan Municipal Police na nasa loob ng bahay si Canuelas nang dumating ang sampung armadong kalalakihan.

Nang makita ang biktima, walang habas na nagpaputok ang mga ito gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Kasunod nito, naglakad pa umano ng kaunti ang mga suspek kung saan nakita naman sa basketball court si Almine na pinagbabaril rin ng mga ito.

-- Advertisement --

Pawang nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na dahilan ng agarang pagkamatay.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng follow up investigation ang mga otoridad habang iniimbestigahan pa ang motibo sa pamamaril.