CAUAYAN CITY – Muling sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at New Peoples Army (NPA) sa pinangyarihan din ng pananambang sa Purok 7, San Sebastian, Jones, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Remegio Dulatre, Battalion Commander ng 86th IB Phil. Army, kanyang kinumpirma na dalawang bangkay na kasapi ng NPA na kinabibilangan ng kanilang kumander ang natagpuan sa pinangyarihan ng sagupaan sa San Sebastian, Jones, Isabela.

Nakuha rin sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang M16 armalite rifle at mga subersibong dokumento.

Sa nangyaring enkuwentro ay isang sundalo ang naitalang nasugatan.

Magugunitang nagsasagawa hot pursuit operations ang mga kasapi ng 86th Infantry Battalion sa mga rebeldeng nanambang sa anim na sundalo at isang kasapi ng CAFGU na magsasagawa sana ng community support activity sa Namnama, Jones.

Namatay ang isang sundalong may ranggong Private First Class na tubong San Guillermo, Isabela at nasugatan ang isang CAFGU sa nasabing pananambang

Sinabi pa ni Lt. Col. Dulatre na sa isinagawang hot pursuit operation ng mga NPA na nanambang sa mga sundalo ay nakita ang bangkay ng dalawang rebelde.