Nagpaabot ng pakikiramay ang US embassy sa Beijing matapos kumpirmahin ng Chinese government na pumanaw na ang kauna-unahang non-Chinese nationals na dinapuan ng Wuhan Coronavirus.

Isang 60-taong gulang na U.S. citizen ang namatay ngayong araw sa Jinyintan Hospital gayundin ang isang Japanese national na naka-confine sa parehong ospital matapos magpakita ang parehong pasyente ng sintomas ng nasabing sakit.

Base sa mga impormasyon, hindi matukoy ng mga doktor kung tunay ngang may nCoV ang Amerikano kung kaya’t idineklara na lamang nila na viral pneumonia ang naging dahilan ng pagkamatay nito.

Sa ngayon, umabot na sa 17 foreigners ang naka-quarantine at kasalukuyang ginagamot sa China.

Pumalo naman sa 722 katao ang namatay dahil sa nCoV simula noong Sabado at inaasahan na mahihigitan nito ang 744 na bilang ng mga nasawi sa buong mundo dahil naman sa sakit ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) noong 2002-2003.

Samantala, sinimulan na ng Hong Kong ang mandatory two-week quarantine para sa mga taong papasok sa lungsod na magmumula sa mainland China.

Kinakailangang i-isolate ng mga biyaher ang kanilang sarili sa mga hotel rooms o gopvernment-run centres habang ang mga residente naman ay hinihikayat na manatili na lamang sa loob ng kanilang mga bahay.

Ang sinomang mahuhuling hindi susunod sa naturang patakaran ay maaaring makulong at pagbabayarin din ang mga ito ng danyos.