KORONADAL CITY – Matagumpay na naisalba ang dalawang menor de edad na biktima umano ng human trafficking mula sa Mindanao.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Aimee Delos Reyes, staff ng isang employment agency sa Metro Manila, ipinadala sa kanila ang dalawang babae dala ang kanilang mga dokumento na nagsasabing nasa ligal na silang edad upang magtrabaho sa ibang bansa.

Ngunit sa pagtatanong sa mga babae ay natuklasang pineke raw ang kanilang mga dokumento upang makapag-abroad na kanilang ikinaalarma.

Ang dalawang menor de edad na babae ay nagmula sa Buluan, Maguindanao at ni-recruit daw ng isang Noraiza Napeles mula sa Cotabato City.

Una ay sinasabing ayaw pang umamin ng mga menor de edad ngunit sa kalaunan ay natuklasang Grade 8 at Grade 10 pa lamang ang mga ito at napilitang mag-apply sa abroad dahil sa labis na kahirapan.

Kaugnay nito, itinanggi ng itinuturong recruiter ang mga paratang sa kaniya at isinisisi sa employment agency at sa mga magulang na pumayag ipadala ang mga biktima.

Sa ngayon nakabalik na sa Mindanao ang dalawang menor de edad matapos makatanggap ng tulong.