-- Advertisements --

Kinasuhan ng kasong libel sa Ombudsman ang dalawang mataas na opisyal ng kapulisan sa probinsya ng Leyte.

Kinilala ang mga nirereklamong mga kapulisan na sina PLt. Col. Marben Ordonia, Head ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 8 (PRO-8) kasama ang isa pang mataas na opisyal na si PLt. Col. Duane Francis Ducducan.

Nakilala naman ang nagreklamo na si Edgar Dela Rosa, nasa hustong gulang at Kapitan ng Barangay Baco, Leyte, Leyte.

Batay sa reklamo na isinampa ng kampo ni Dela Rosa, nakatanggap siya ng chat message galing sa isang kaibigan sa Leyte, Leyte kung saan ibinunyag nito ang kanyang nakuha na impormasyon na ang Philippine National Police-Regional Intelligence Unit at Leyte Provincial Police Office ay nagpapakalat ng memorandum patungkol sa umuusbong na Dela Rosa Criminal Group sa 3rd District ng Leyte at sa Ormoc City.

Ipinaalam din ng kanyang kaibigan na ang nasabing memorandum ay nagsimula sa PNP Regional Intelligence Division ng Region 8 dahil sa mga aktibidad at involvement ni Dela Rosa sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections noong October 30, 2023.

Dahil dito, pinagsikapan ni Dela Rosa na makakuha ng mga impormasyon ng magpapatotoo sa nasabing memorandum kung saan nagpatulong siya sa mga miyembro ng kanyang pamilya, kasama na dito ang isang retiradong pulis at mga aktibong pulis na nakatira sa 3rd at 4th District ng Leyte.

Naalarma naman ang pamilya ni Dela Rosa ng malaman na inaakusahan ng PNP si Dela Rosa na leader ng isang criminal group.

Batay di umano sa ipinalabas na Memorandum ni Col Ordonia nitong Nobyembre 2023 na may umuusbong na ‘Dela Rosa Criminal Group’ sa 3rd District ng Leyte at siyudad ng Ormoc kayat pinayuhan nito ang lahat ng mga stasyon na magmatyag at mag-monitor.

Ayon sa kampo ni Dela Rosa na maikokonsiderang ‘Libelous’ ang ginawa ng mga kapulisan lalo pat wala itong pruweba na magpapatunay sa pagkakadawit nito bilang lider ng Criminal Group sa 3rd at 4th District ng Leyte.

Maliban dito ay nagsampa din ng kasong Grave Misconduct at Conduct unbecoming of a police officer ang kampo ni Dela Rosa sa dalawang kapulisan.

Idinagdag naman nito na sana magsilbing leksyon ito sa mga kapulisan na ginagamit ang kanilang katungkolan para makapanira ng tao o sa kanilang mga personal na interest.