CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang dalawang lalaki kabilang ang isang menor de edad sa isinagawang drug buy bust operation sa Zipagan St., District 1, Cauayan City.

Ang mga suspek ay sina John Carlo Amigo, 20, binata, walang trabaho at si Potpot (di tunay na pangalan) 17anyos, kapwa residente ng District I, Cauayan City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nakatanggap ng impormasyon ang Cauayan City Police Station kaugnay sa pagbebenta ng ilegal na droga ng mga suspek.

Dahil dito ay nagsagawa umano ng drug buy bust operation ang Cauayan City Police Station sa pamumuno ni P/Captain Geriel Frogoso at Phil. Drug Enforcement Agency region 2 kung saan nadakip ang mga suspek matapos matagumpay na nakabili ng dalawang pakete na naglalaman ng hinihinalang marijuana ang poseur buyer mula kay Potpot.

Nakuha naman sa pag-iingat ni Amigo ang buy bust money.

Nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).