ROXAS CITY – Kaagad na namatay ang dalawang kustomer matapos saksakin ng may-ari ng KTV Bar sa Poblacion, Tapaz, Capiz.

Dead on arrival nang dumating sa ospital ang mga biktima na sina Alejandro Labrador ng Agpapali, Tapaz, Capiz, na nagtamo ng sugat sa dibdib at kili kili; gayundin si Richie Barnizo ng Daan Sur, Tapaz, na may sugat sa likod, tuhod at batok.

Ang suspek ay nagngangalang Robert Gamalando, 60-anyos ng Bag-ong Barrio, Tapaz.

Maliban sa mga nasawi, ginagamot naman sa ospital ang dalawang kasamang kustomer na sina Joven Parofil, 25-anyos ng Barangay Roxas Otso, Tapaz, matapos nagtamo ng sugat sa kaliwang bahagi ng balikat; at si Elemar Parofil na nasugatan sa tiyan.

Sa imbestigasyon ng Tapaz-Philippine National Police, lumalabas na naging maingay na ang apat na biktima na magkasamang umiinom sa nasabing bar kaya sila pinakiusapan ng asawa ng suspek.

-- Advertisement --

Ngunit biglang sumigaw ang isa sa mga biktima na nauwi gulo kung saan sinaksak ni Gamalando ang apat at mabilis na tumakas.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa krimen.

Pinaniniwalaang hindi lamang pananaksak ang nangyari dahil may narekober na tatlong slug ng .45 caliber pistol sa crime scene.