LEGAZPI CITY – Pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang inabot ng dalawa katao na napadaan lamang sa Legazpi Boulevard ng Barangay Puro sa lungsod dakong alas-9:00 kagabi.

Nagpasaklolo sa Police Community Precinct 2 (PCP-2) ng Legazpi City Police Station ang mga biktima na kinilalang sina Ian Mar Bracamante, 22 at Sangguniang Kabataan (SK) chairman ng Brgy. Tagas sa bayan ng Daraga at Jude Mark Cabahug, 19.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, napadaan sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang dalawa nang lapitan ng hindi natukoy na bilang ng mga kalalakihan.

Pinagtulungan umanong pagpupukpukin at suntukin ang dalawa.

Duda naman ng mga biktima na napagtripan lamang sila ng grupo.

Hindi naman nakilala ang mga ito dahil madilim sa lugar nang mangyari ang insidente.

Pinaghahanap na rin sa kasalukuyan ng kapulisan ang mga suspek habang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga ito.