Dalawa na namang katao ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagbebenta ng mga ito ng rapid test kits at dahil sa kasong estafa.

Ayon kay NBI Officer-In-Charge Eric B. Distor, ang mga suspek na sina Avi Siwa at ina nitong si Glorina Juliana Carandang ay naaresto sa Intramuros, Manila sa pamamagitan ng NBI-International Operations Division (NBI-IOD).

Base sa reklamo, ni-require ni Siwa ang complainant na magbigay ng down payment ng P4.6 million para sa delivery ng 10,000 sacks ng bigas na nagkakahalaga ng P16.6 million sa Cebu City noong May 4, 2020.  

Matapos umanong magbayad ang nagreklamo ay hindi na tinupad ni Siwa ang kanyang pangako at hindi na ito mahagilap.

Pero nitong May 17, 2020 sa pamamagitan ng direktang supervision ng NBI at gamit ang pangalang Jane Suarez, nagpadala ang complainant ng mensahe sa suspek sa pamamagitan ng Facebook matapos nitong makita ang post kaungya ng pagdating ng 10,000 test kits.  

Noong May 27, 2020, sumagot si Siwa sa mensahe ng complainant at nag-offer ito ng merchandise gaya ng rapid test kits, face masks, sanitation sprays, face shields, gloves, personal protective equipments (PPEs) at bigas.

Dahil dito, napagkasunduan ng dalawa na magkita noong Mayo 29  dakong alas-2:00 ng hapon sa Intramuros, Manila para sa purchase ng 120 pieces ng rapid test kits na nagkakahalaga ng P650 kada piraso o kabuuang P78,000.

Umorder din ang complainant ng 6,000 sacks ng Sider Denorado Rice at 3,000 sacks ng Sifer Golden Rice na nagkakahalaga lahat ng P12,195,000.

Agad nagsagawa ng entrapment operation ang NBI-IOD at naaresto ang suspek matapos bayaran ng complainant ang 120 pieces of rapid test kits sa suspek.

Nahaharap ngayon si Siwa sa kasong paglabag sa Section 11 ng R.A. No. 9711, FDA Circular No. 2020-004 na may petsang March 2020 at FDA Advisory No. 2020-498 na may petsang April 1, 2020 na may kaugnayan sa R.A. No. 10175 o ang The Cybercrime Prevention Act of 2012 at paglabag sa Article 315 (Estafa).