Dalawang banyaga ngayon ang hawak ng Bureau of Immigration (BI) na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa tangkang iligal na pagpasok at paglabas sa bansa.

Sa report kay Immigration Commissioner Jaime Morente ni BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, ang dalawang banyaga ay magkahiwalay na naharang noong nakaraang linggo sa arrival at departure ng NAIA Terminal 1 at 3.

Lumalabas na ang Chinese na suspek na si Wang Zhi Qiang, 22, na naaresto sa NAIA 1 noong November 14 ay pugante sa kanilang bansa at dumating lulan ng Southern flight from Xiamen, China.

Inaresto ito dahil blacklisted siya sa database ng BI.

Naaresto rin noong November 12 ang Cameroonian na si Enow Lewis, 20 sa NAIA 3 departure area dahil sa pekeng pasaporte.

Tinangka umano ng banyaga na sumakay sa Cebu Pacific flight papuntang Hongkong.

Sa ngayon, inilipat na ang dalawa sa BI Warden Facility habang hinihintay ang mga dokumento para sila ay ma-deport.