CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang dalawang itinuturing na high value target drug suspect sa inilunsad na anti-drug operation sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga napatay na sina Aljen Catalan Tabaosares, 27, residente ng Purok 1A, Barangay Katidtuan at si Edmar Doctolero Lebag alyas Jongjong, 31, na residente ng Barangay Poblacion, pawang sa bayan ng Kabacan, Cotabato.

Ayon kay Cotabato police provincial director Colonel Henry Villar, nagsagawa ng buy bust operation ang pulisya katuwang ang PDEA-Cotabato ngunit natunugan daw ng mga suspek na otoridad na pala ang kanilang katransaksyon kaya sila raw ay nanlaban.

Patay ang dalawang drug pusher nang magtamo ng maraming sugat sa kanilang katawan nang makipagbarilan sa mga pulis.

Narekober ng mga otoridad sa dalawang nasawi ang mga armas, shabu, mga bala, magazine at drug paraphernalia.

Sa ngayon, patuloy ang isinagawang operasyon ng mga pulis sa bayan ng Kabacan sa gitna ng COVID-19 crisis.