CAGAYAN DE ORO CITY- Habang buhay na pagka-bilanggo ang hatol ng hukuman laban sa magkapatid na high profile drug personality sa probinsiya ng Misamis Oriental.

Itoy matapos napatunayan ng sala ni Regional Trial Court o RTC Branch 21 Presiding Judge Gil Bollozos na nagkasala sila si Atty Michael Roa at Porferio Roa Jr sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Advertisement --

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Regional State Prosecutor Merlynn Uy na maliban sa habang buhay na pagkabilanggo, pinagmulta rin sila ng korte ng P400,000 bawat-isa.

Ipinag-utos rin ng hukuman na ipasailalim sa anim na buwang drug rehabilitation ang isa pa nilang kapatid na si John Rey Roa.

Kung matatandaan, nahuli ang Roa brothers sa isinagawang drug buy operations ng mga personahe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng kanilang pamamahay sa Brgy. 5, Balingasag nitong lalawigan noong Nob. 10, 2016.

Ikinatuwa naman ng pamunuan ng PDEA region 10 ang naging hatol ng hukuman dahil nagbibigay umano ito ng ngipin sa kanilang kampaniya laban sa ilegal na droga.