TUGUEGARAO CITY – Patay ang dalawang dating mayors at incumbent councilor sa bayan ng Lasam, Cagayan at dalawang iba sa naganap na ambush sa Brgy Ignacio Jurado ng nasabing bayan.

Kinilala ang mga biktima na sina Sangguniang Bayan Members Marjorie “Jaling” Salazar at Eduardo Asuten na kapwa naging alkalde sa bayan ng Lasam.

Lasam cagayan mayors ambusg

Kabilang sa mga nasawi ang driver ni Salazar na si John Rey Apil, 24, may-asawa at ang sekretarya nito na si Aiza Manuel, 30, may-asawa na pawang residente ng Brgy. Callao Sur.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Lasam, ang mga biktima ay sakay ng puting Toyota Hiace van at nang makarating sa lugar ng insidente ay may asul na Hyundai Accent at puting Toyota Wigo na kapwa walang plaka kung saan ang mga sakay nito ang nagpaulan ng bala sa sasakyan ng mga biktima.

Mabilis tumakas ang mga hindi pa natutukoy na mga suspek patungong Brgy Centro ng naturang bayan matapos ang pananambang.

-- Advertisement --

Agaran namang rumesponde ang hanay ng pulisya ng Lasam at nagawang maisugod sa ospital ang mga biktima subalit binawian din ng buhay.

Kasalukuyan pa ang hot pursuit at dragnet operations ng kapulisan laban sa mga salarin.